20Kaya pinangalanan ng tao ang lahat ng hayop na maaamo at maiilap, at ang mga ibon sa himpapawid. Ngunit para sa kanya, wala kahit isa sa kanila ang nababagay na maging kasama niya na makakatulong sa kanya.
21Kaya pinatulog ng Panginoong Diyos ang lalaki nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Diyos ang isa sa mga tadyang niya at pinaghilom ang laman na pinagkuhanan nito.
22Mula sa tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki, gumawa siya ng isang babae, at dinala ito sa lalaki.
23Sinabi ng lalaki, “Narito na ang isang tulad ko! Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman. Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”
24Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.