8Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng kawan ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato upang silaʼy painumin.”
9Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagpapastol ng mga ito.
10Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban.
11Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa.
12Sinabi niya kay Raquel na siyaʼy kamag-anak ng kanyang amang si Laban at anak ni Rebeca. Patakbong umuwi si Raquel at sinabi ito sa kanyang ama.