13Tinanong ng Panginoong Diyos ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”
14Kaya sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok.
15Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”
16Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Ngunit sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.”
17Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo: Susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto upang makakain.