21Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Diyos ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.
22Sinabi ng Panginoong Diyos, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buháy magpakailanman.”
23Kaya pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.
24Nang mapaalis na ng Panginoong Diyos ang tao, naglagay siya ng mga kerubin sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot upang walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.