12Agad na hinanap ng tagapamahalang alipin ang kopa sa mga sako, magmula sa panganay hanggang sa bunso, at ang kopa ay nakita sa sako ni Benjamin.
13Nang makita ito ng magkakapatid, pinunit nila ang kanilang mga damit dahil sa matinding kalungkutan. Muli nilang isinakay sa asno ang mga sako nila at bumalik sa lungsod.
14Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Ehipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at nagpatirapa sa harapan ni Jose.
15Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano ba itong ginawa ninyo? Hindi nʼyo ba alam na marunong akong manghula? Kaya wala kayong maitatago sa akin.”
16Sinabi ni Juda, “Ano pa ba ang puwede naming ikakatwiran pa sa inyo, ginoo? Hindi na po namin masasabi na hindi kami nagkasala. Ang Diyos ang siyang naghayag ng aming kasalanan. Ngayon, lahat po kami ay alipin na ninyo, kami at ang isa na nakitaan ng kopa.”