19Ito ang patotoo ni Juan nang magsugo sa kanya ang mga pinunong Hudyo mula sa Jerusalem ng mga pari at mga naglilingkod sa Templo, upang tanungin kung sino talaga siya.
20Walang pag-aalinlangang tinapat sila ni Juan at sinabi, “Hindi ako ang Mesias.”
21Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Muli nilang tinanong si Juan, “Ikaw ba ang Propeta?” “Hindi rin,” sagot niya.
22Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?”
23Sumagot si Juan ayon sa sinabi ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daan para sa Panginoon.’ ”