17Sinabi ng babaeng utusan kay Pedro, “Hindi baʼt isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” Sumagot si Pedro, “Hindi!”
18Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardiya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.
19Samantala, inimbestigahan ng punong pari si Hesus tungkol sa mga alagad niya at sa mga itinuturo niya.
20Sinabi ni Hesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Palagi akong nangangaral sa mga sinagoga at sa Templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Hudyo. Wala akong itinuro nang palihim.
21Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.”