1Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun,
2“Si Moises na aking lingkod ay patay na. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, na tumawid sa Ilog Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo.
3Ang lahat ng lugar na aapakan ninyo ay ibibigay ko sa inyo, gaya ng ipinangako ko kay Moises.
4Ito ang magiging teritoryo ninyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.