1Tinipon ni Josue ang mga mamamayan ng lahi nina Ruben, Gad at ng kalahating lahi ni Manases.
2Sinabi ni Josue sa kanila, “Ginawa nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon at sinunod din ninyo ang lahat ng iniutos ko.
3Hanggang ngayon, hindi nʼyo pinapabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita at tinupad nʼyong mabuti ang lahat ng iniutos sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.
4At ngayon, naangkin na ng mga kapatid ninyong Israelita ang kapahingahan na ipinangako sa kanila ng Panginoon. Kaya bumalik na kayo sa mga lugar nʼyo sa kabila ng Ilog Jordan, sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon.