19Kaya kung ang lupain nʼyo ay marumi, tumawid kayo rito sa lupain ng Panginoon na kinaroroonan ng Tabernakulo, at dito na kayo tumira. Huwag kayong magrebelde sa Panginoon at sa amin sa pamamagitan ng pagtatayo ninyo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Diyos.
20Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”
21Sumagot ang mga lahi nina Ruben, Gad at kalahating lahi ni Manases sa mga pinuno ng mga lahi ni Israel,
22“Ang Panginoon ang Makapangyarihang Diyos! Ang Panginoon ang Makapangyarihang Diyos! Nalalaman niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din itong malaman ng Israel. Kung itoʼy pagrerebelde o pagsuway sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito.
23Panagutin nawa kami ng Panginoon kung ang pagpapatayo namin ng sariling altar ay para talikuran siya o kayaʼy upang itoʼy gawing alayan ng mga handog na sinusunog, handog na pagkaing butil, o kayaʼy handog pangkapayapaan.