7(Ang kalahating lahi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan at ang kalahati pang angkan ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan kasama ng ibang mga angkan.) Nang papauwi na sila, binasbasan sila ni Josue
8at sinabi, “Magsiuwi kayo na dala ang marami nʼyong kayamanan – mga hayop, pilak, ginto, tanso, bakal at mga damit. Bigyan din ninyo ang inyong mga kamag-anak ng mga nasamsam ninyo sa inyong mga kalaban.”
9At umuwi na ang mga mamamayan ng lahi nina Ruben, Gad at ang kalahating lahi ni Manases. Iniwan nila ang mga kapatid nilang Israelita sa Silo, sa lupain ng Canaan at bumalik sa Gilead, ang lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Ruben, Gad at ang kalahating lahi ni Manases ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan.
11At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Ruben, Gad at kalahating lahi ni Manases ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog Jordan. Kaya nagtipon sila sa Silo para makipaglaban sa kanila.