14Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya.
15Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo. Sapagkat binigyan nʼyo ako ng lupain sa Negeb, kung maari ay bigyan nʼyo rin ako ng lupaing may mga bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negeb.
16Pag-alis ng lahi ni Juda sa lungsod ng Jerico, sumáma sa kanila ang mga Cineo, na mula sa angkan ng biyenan ni Moises, papunta sa ilang ng Juda. Tumira sila kasama ng mga tao roon, malapit sa bayan ng Arad sa Negeb.
17Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Sefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto ang lungsod, kaya tinawag itong Horma.
18Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.