5Mabubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. Huwag mong gugupitan ang buhok niya sapagkat sa sinapupunan pa lamang ay itatalaga na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Sisimulan niya ang pagligtas sa Israel sa mga Filisteo.”
6Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Diyos na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya.
7Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Diyos bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo sana ang taong isinugo nʼyo upang turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9Pinakinggan ng Diyos ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Diyos sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid.