2Nang makauwi na siya, nagkuwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timna na isang babaeng Filisteo. Kunin nʼyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”
3Ngunit sumagot ang mga magulang niya, “Wala ka bang mapili man lang sa mga kamag-anak o kababayan natin? Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi tuli?” Ngunit sumagot si Samson sa kanyang ama, “Basta kunin nʼyo siya. Siya ang tamang babae para sa akin.”
4Hindi alam ng mga magulang ni Samson na kalooban pala ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.
5Pumunta si Samson sa Timna kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson sa mga ubasan sa Timna, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal.
6Agad na lumukob sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at niluray niya ang leon gamit ang kanyang mga kamay na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Ngunit hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya.