4Kinaumagahan, gumawa sila ng altar at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan.
5Pagkatapos, nagtanong sila, “May lahi ba ng Israel na hindi dumalo nang nagtipon tayo sa presensya ng Panginoon sa Mizpa?” Nang panahong iyon naipangako nila sa presensya ng Panginoon, na ang sinumang hindi dadalo roon ay papatayin.
6Nalungkot ang mga Israelita sa mga kadugo nilang lahi ni Benjamin. Sinabi nila, “Nabawasan ng isang lahi ang Israel.
7Saan pa tayo makakakita ng mapapangasawa ng mga natirang lahi ni Benjamin? Nangako kasi tayo sa Panginoon na hindi natin papayagang mapangasawa nila ang mga anak nating babae.”
8Nang nagtanong sila kung may lahi ng Israel na hindi nakasama nang nagtipon sila sa presensya ng Panginoon sa Mizpa, nalaman nilang hindi dumalo ang mga taga-Jabes-gilead.