9Iniligtas ko kayo sa mga Ehipsiyo at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain.
10Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Diyos at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga diyos ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.’ ”
11Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joas na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo.
12Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”
13Sumagot si Gideon, “Ipagpaumanhin po ninyo, Ginoo, pero kung sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang nangyari sa amin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga kababalaghang gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa Ehipto? Ngunit ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”