9Ang kambing na nabunot na para sa Panginoon ay ang ihahandog niya bilang handog para sa kasalanan.
10Ngunit ang kambing na nabunot na magdadala ng kasalanan ng mga tao ang ihahandog niyang buháy sa Panginoon at saka niya ito pakakawalan sa ilang para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.”
11“Papatayin ni Aaron ang batang toro bilang handog para sa kasalanan para sa kanyang sarili at sa sambahayan niya.
12Pagkatapos, kukuha siya ng lalagyan ng insenso at pupunuin niya ng baga galing sa altar sa presensya ng Panginoon. At kukuha rin siya ng dalawang dakot ng mabangong insenso na pinong-pino, at dadalhin niya sa loob ng Pinakabanal na Lugar.
13Doon sa presensya ng Panginoon, ilalagay niya ang insenso sa apoy, at ang usok nito ay papailanlang sa palibot ng takip ng Kahon ng Kasunduan, kaya hindi siya mamamatay.