19Maghahandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan, at dalawang tupa na tig-isang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.
20Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari.
21Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.
22“ ‘Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Diyos.
23“ ‘Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya.