16Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang kabayaran ng kanyang pagkakasala at siyaʼy patatawarin.
17“Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya nalalaman, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon.
18Bilang handog na kabayaran ng kanyang pagkakasala, kinakailangang magdala ang taong iyon sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan o kayaʼy bumili sa katumbas na halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, lilinisin ang tao sa kanyang kasalanang di-sinasadya upang siyaʼy ituring na matuwid ng Diyos at siyaʼy patatawarin.
19Ang handog na itoʼy magsisilbing handog bilang kabayaran ng pagkakasala sapagkat nagkasala ang taong iyon sa Panginoon.”