21Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagkaing butil. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon.
22Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari.
23Ang lahat ng handog na pagkaing butil ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.”
24Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
25“Sabihin mo ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki: ‘Ito ang mga tuntuning kailangang sundin tungkol sa handog para sa kasalanan: Ang handog para sa kasalanan ay kinakailangang patayin sa harapan ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog para sa kasalanan ay napakabanal.