1Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Hesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Binabantayan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya.
2Doon ay may isang lalaking minamanas.
3Tinanong ni Hesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”
4Ngunit wala ni isa ang nakasagot, kaya hinawakan ni Hesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi.
5Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawaʼy nahulog ang inyong anak o ang inyong baka sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?”