17“Nang makapag-isip-isip siya, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin, kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sobrang pagkain, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom.
18Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo.
19Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang po akong isa sa mga utusan ninyo.” ’
20Kaya umuwi siya sa kanyang ama. “Malayo paʼy natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan.
21“Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’