20Bumalik sa parang ang mga pastol na labis na nagpupuri sa Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon sa sinabi ng anghel.
21Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Hesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi ni Maria.
22Nang dumating na ang araw ng seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa babaeng nanganak, pumunta sina Jose at Maria sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon.
23Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”
24At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”