39Tumayo si Hesus sa tabi ng maysakit at inutusan ang lagnat na umalis, at nawala ito. Kaagad na bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Hesus.
40Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Hesus ang kanilang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Ipinatong ni Hesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat.
41Lumabas din ang mga demonyo sa mga taong sinapian habang sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at pinagbawalang magsalita, dahil alam nilang siya ang Mesias.
42Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Hesus at pumunta sa isang lugar na walang katao-tao. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila.
43Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, “Kailangan ko ring ipangaral sa iba pang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.”