43Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Hesus.
44Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Noong pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na panghugas sa paa ko. Ngunit ang babaeng ito, sariling luha niya ang ipinanghugas sa mga paa ko at ang buhok pa niya ang ipinampunas dito.
45Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang dumating ako, wala siyang tigil sa paghalik sa mga paa ko.
46Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko.
47Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatawad na ang marami niyang kasalanan, kaya siya nagpapakita ng malaking pagmamahal sa akin. Ngunit ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad, kaunti rin ang pagmamahal na ipinapakita niya.”