18Isang araw, nanalanging mag-isa si Hesus nang di-kalayuan sa mga alagad niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?”
19Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo raw po si Juan na Tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.”
20Tinanong sila ni Hesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Mesias na isinugo ng Diyos!”
21Mahigpit na sinabihan ni Hesus ang mga alagad niya na huwag ipaalam kahit kanino na siya ang Kristo.
22Sinabi pa niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Hudyo, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”