37Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Hesus ng napakaraming tao.
38May isang lalaki roon na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki!
39Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang nagsisisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya palagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan.
40Nakiusap ako sa mga alagad ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.”
41Sumagot si Hesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo.”