35May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!”
36Nang tumigil ang tinig, nakita nilang mag-isa na lang si Hesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila noong mga panahong iyon.
37Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Hesus ng napakaraming tao.
38May isang lalaki roon na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki!
39Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang nagsisisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya palagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan.