16Nang makita ng mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na kasalo ni Hesus ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan, sinabi nila sa mga alagad niya, “Bakit kumakain siyang kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?”
17Narinig iyon ni Hesus kaya sinagot niya ang mga ito, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
18Nang minsang nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at mga Pariseo, may mga taong lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad, hindi tulad ng mga alagad ni Juan at ng mga Pariseo?”
19Sumagot si Hesus, “Nag-aayuno ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila puwedeng mag-ayuno.
20Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”