24“Walang mag-aaral na higit sa kanyang guro, walang aliping higit sa kanyang amo.
25Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinatawag nilang Satanas, gaano pa kaya kasamâ ang itatawag nila sa mga kasambahay nito?
26“Kaya huwag kayong matakot sa mga taong ito. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.
27Ang mga sinasabi ko lamang sa inyo na walang nakarinig ay ipaalam ninyo sa mga tao; ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipahayag ninyo sa lahat.
28Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, ngunit hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Diyos, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impiyerno.