15Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Hesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak.
16Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon para ipagkanulo si Hesus.
17Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad ni Hesus at nagtanong, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?”
18Sumagot si Hesus, “Pumunta kayo sa Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinasasabi ng Guro: Ang aking oras ay malapit na. Ako at aking mga alagad ay maghahapunan para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay.’ ”
19Sinunod nila ang utos ni Hesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa Pista.