2Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Hudyo na nagsibalik mula sa pagkakabihag.
3Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda at tinutuya sila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”
4Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Diyos ng langit.
5Sinabi ko: “Panginoon, Diyos ng langit, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Diyos. Tinutupad nʼyo ang kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos.
6Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno.