3Sinabi ko sa kanila, “Huwag nʼyong pabayaang nakabukas ang mga pintuan ng lungsod kapag tanghaling-tapat, kahit may mga tagapagbantay pang nagbabantay. Dapat nakasara ito at nakakandado. Maglagay din kayo ng mga tagapagbantay mula sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ang iba sa kanila ay ilagay sa pader na malapit sa mga bahay nila, at ang iba naman ay ilagay sa ibang bahagi ng pader.”
4Napakalawak noon ng lungsod ng Jerusalem pero kakaunti lang ang mga naninirahan doon at kakaunti rin ang mga bahay.
5Kaya ipinaisip ng aking Diyos sa akin na tipunin ang mga pinuno, mga opisyal, at iba pang mga naninirahan upang maitala sila ayon sa bawat pamilya. Nakita ko ang listahan ng mga pamilya na unang bumalik mula sa pagkabihag. Ito ang nakatala roon:
6Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Nakabalik na sila sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda.
7Ang namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana. Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag: