2Kaya nang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ni Ezra, na pari, ang Kautusan sa harap ng mga tao na mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na.
3Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan.
4Tumayo si Ezra na tagapagturo ng kautusan sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias, at Maaseias. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao.
6Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang Makapangyarihang Diyos! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.