20Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)
21Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo-hamat.
22Nag-umpisa sila sa Negeb hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sesai at Talmai, na mga lahi ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Ehipto.)
23Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos.
24Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.