37Inutusan pa ng Panginoon si Moises
38na sabihin ito sa mga Israelita: “Gumawa kayo ng mga palawit sa laylayan ng inyong mga damit at lagyan ninyo ito ng taling kulay asul. Kailangang sundin ninyo ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
39Ang mga palawit na ito ang magpapaalala sa inyo ng lahat kong mga utos para sundin ninyo ito at hindi ang inyong kagustuhan lang ang inyong gawin.
40Sa pamamagitan ng mga palawit na ito, maaalala ninyo ang pagtupad sa aking kasunduan, at magiging akin kayo.
41Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto para maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.”