46Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot.”
47Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, ngunit naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao.
48Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buháy pa at tumigil ang salot.
49Ngunit 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora.
50Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.