8At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron.
9Ngunit hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.
10Sa araw na winisikan ng langis ang altar, nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar, at dinala nila ang mga ito sa harap ng altar.
11Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangang sa bawat araw, may isang pinuno na magdadala ng kanyang handog para sa pagtatalaga ng altar.”
12Ang nagdala ng handog sa unang araw ay si Naason na anak ni Aminadab, na pinuno ng tribo ni Juda.