1“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis: “Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Diyos at may hawak na pitong bituin. “Nalalaman ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabing buháy na buháy ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong mga patay.
2Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, upang hindi ito tuluyang mamatay. Dahil nakikita kong ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Diyos.
3Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan at talikuran ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating akong tulad ng isang magnanakaw, sa oras na hindi ninyo inaasahan.