1Mula kay Pablo na lingkod ng Diyos at apostol ni Hesu-Kristo na sinugo upang patibayin ang pananampalataya ng mga pinili ng Diyos, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos.
2Ang katotohanang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng pag-asa na makakamtan nila ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako ng Diyos bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling.
3At ngayon na ang panahong itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Diyos na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.
4Mahal kong Tito, ang aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.