2Ang mga diyos-diyosan ay nagsasalita nang mapanlinlang; ang mga manghuhulaʼy bulaan ang pangitain, ang mga panaginip na kanilang sinasabiʼy pawang kasinungalingan, ang aliw na ibinibigay ay walang kahulugan. Kaya ang mga taoʼy lumalaboy tulad ng tupa, dahil walang pastol silaʼy nagdurusa.
3Sinabi ng Panginoon, “Galit na galit ako sa mga namumuno sa aking mga mamamayan. Talagang parurusahan ko sila. Sapagkat aalalahanin ng Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang kawan, ang mga mamamayan ng Juda. Gagawin ko silang tulad ng mga kabayong matagumpay sa digmaan.
4Sa kanila magmumula ang mga pinuno na ang katulad ay batong-panulukan, tulos ng tolda, at panang ginagamit sa digmaan.
5Magkakaisa ang mga taga-Juda at magiging katulad sila ng mga sundalong malalakas na tatalo sa mga kanilang mga kalaban na parang putik na tinatapak-tapakan sa lansangan. Makikipaglaban sila dahil kasama nila ang Panginoon, at tatalunin nila ang mga mangangabayo.
6“Palalakasin ko ang mga mamamayan ng Juda at ililigtas ko ang mga mamamayan ng Israel. Pababalikin ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa ako sa kanila. At dahil ako ang Panginoon na kanilang Diyos, diringgin ko ang kanilang mga dalangin, na parang hindi ko sila itinakwil tulad ng dati.