3“Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang bundok ng Panginoon ng mga Hukbo ay tatawaging Banal na Bundok.”
4Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan.
5At mapupuno ang mga plasa sa lungsod ng mga batang naglalaro.”
6Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin,” pahayag ng Panginoon ng mga Hukbo.
7Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran.