10Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel.
11Ito ang listahan ng mga matatapang na tauhan ni David: Si Jasobeam na Hacmonito, ang nangunguna sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng tatlong daang tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodo na mula sa angkan ni Aho. Isa rin siya sa tatlong matatapang na lalaki.
13Isa siya sa mga sumáma kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas-damim. Doon sila napalaban sa taniman ng sebada at tumakas ang ibang mga Israelita.
14Ngunit sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman. Ipinagtanggol nila ito at pinatay ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.