27Nagsuot si David ng damit na pinong lino pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon, ang mga mang-aawit, at si Quenanias na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng efod na gawa sa pinong lino.
28At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.
29Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niya si Haring David na palukso-lukso at sumasayaw sa tuwa at nainis siya nang labis sa hari.