24Ngunit sumagot si Haring David kay Ornan, “Hindi ko ito tatanggapin nang libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.”
25Kaya binayaran ni David si Ornan ng animnaraang pirasong ginto para sa lupaing iyon.
26Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit upang sunugin ang mga handog sa altar.
27Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.
28Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.