1Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nagbibigay karangalan sa Panginoon, pumunta siya kay Solomon upang subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong.
2Dumating siya sa Jerusalem kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng ibaʼt ibang uri ng pampabango, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong.
3Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang kahirap-hirap na ipinaliwanag niya anumang bagay.
4Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito,
5hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa Templo ng Panginoon.