24Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng anim na libong pirasong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod na tinawag niyang Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok.
25Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng Panginoon, at nagkasala siya nang higit pa sa mga haring nauna sa kanya.
26Namuhay siyang katulad ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ginawa rin niya ang kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Dahil sa pagsamba nila sa mga walang kuwentang mga diyos-diyosan, ginalit nila ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.
27Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Omri, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
28Namatay si Omri at inilibing siya sa Samaria. Ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari.