10Nagpadala muli si Ben-hadad ng mensahe kay Ahab, “Lubos sana akong parusahan ng mga diyos, kung hindi ko mawawasak nang lubos ang Samaria. Titiyakin kong kahit alikabok ay walang maiiwan na madadakot ang mga sundalo ko.”
11Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihan nʼyo siya na ang sundalong naghahanda pa lang sa pakikipaglaban ay hindi dapat magmayabang tulad ng sundalong tapos nang makipaglaban.”
12Natanggap ni Ben-hadad ang sagot ni Ahab habang nag-iinuman sila ng mga kasama niyang hari sa kanilang mga tolda. Agad niyang inutusan ang kanyang mga tauhan, sinabi niya, “Humanda kayong lumusob.” Kaya naghanda silang lusubin ang lungsod.
13Samantala, may dumating na isang propeta kay Ahab na hari ng Israel, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Nakikita mo ba ang napakaraming sundalo ni Ben-hadad? Ipapatalo ko sila sa iyo sa araw na ito, at malalaman mong ako ang Panginoon.”
14Nagtanong si Ahab, “Pero sino ang tatalo sa kanila?” Sumagot ang propeta, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga binatang sundalo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya ang siyang tatalo sa kanila.” Nagtanong si Ahab, “Sino ang unang lulusob?” Sumagot ang propeta, “Kayo.”