27Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas upang makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila paharap sa kampo ng mga Arameo. Ngunit katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan.
28Pumunta ang lingkod ng Diyos sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na diyos ako ng mga bundok at hindi diyos ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo upang malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”
29Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila noong ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng isandaang libong sundalong Arameo.
30Ang mga natirang Arameo ay nagsitakas sa lungsod ng Afek, kung saan ang 27,000 sa kanila ay nabagsakan ng pader ng lungsod. Tumakas din doon si Ben-hadad at nagtago sa kasuluk-sulukang kuwarto ng bahay.
31Sinabi sa kanya ng kanyang mga opisyal, “Narinig po namin na maawain daw ang mga hari ng Israel. Kaya pupunta kami sa hari ng Israel, magsusuot ng sako at magtatali ng lubid sa aming mga ulo. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”