1Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Ehipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng Templo ng Panginoon, at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem.
2Wala pang templo noon para sa Panginoon, kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.
3Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.
4Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon upang maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng isang libong handog na sinusunog.